Pansamantalang isinuspinde ng Philippine Red Cross (PRC) Search and Rescue Team ang kanilang operasyon sa dagat dahil sa masamang panahon habang nagpapatuloy ang paghahanap sa mga nawawalang pasahero ng nasunog na passenger cargo vessel na MV June Aster sa karagatang sakop ng Barangay Marcilla, Coron, Palawan.

Ayon sa pinakahuling ulat ng PRC ngayong 2:45 ng hapon, naging delikado ang sitwasyon sa pumapaitaas na alon at malakas na hangin. Ligtas na bumalik sa daungan ang koponan matapos magbigay ng payo ang Philippine Coast Guard (PCG).

Sa kabila nito, nananatiling naka-standby ang grupo sa port habang nagsisilbi rin bilang aktibong first aid station para sa mga mabilisang pangangailangang medikal.

--Ads--

Nagsimula ang trahedya noong Setyembre 9 matapos sumiklab ang apoy sa naturang barko na galing sa Baseco Port sa Maynila.

Sa kabuuang 134 na sakay ng MV June Aster (117 pasahero at 17 crew members), lima na ang kumpirmadong nasawi habang 42 ang matagumpay na nasagip. Kasalukuyan pang pinaghahanap ng mga awtoridad ang 87 na nawawalang pasahero.