Iniulat ng University of the Philippines – Nationwide Operational Assessment of Hazards na umabot sa mahigit 2,000 mm ang bulto ng ulan na bumagsak sa Pilipinas nitong buwan ng Agosto.

Ang malaking bulto ng ulan ang naging dahilan ng pagkakalubog ng maraming lugar sa Luzon tulad ng National Capital Region at mga probinsiya sa Central luzon, sa malalim na tubig-baha.

Ayon kay UP NOAH Director Dr. Mahar Lagmay, malayong mas mataas ito kumpara sa karaniwang bumabagsak na bulto ng ulan sa naturang buwan.

--Ads--

Paliwanag ng opisyal, kadalasang umaabot lamang sa 400 hanggang 500 mm ang bulto ng ulan na bumabagsak sa loob ng 24-hour peak period.

Batay naman sa hiwalay na ulat ng state weather bureau, may ilang probinsiya pa ang nakaranas ng mas malaking bulto ng ulan, tulad ng ilang lugar sa Benguet na nakaipon ng 2,868.7 mm sa kabuuan ng naturang buwan.

Maging ang Zambales ay dumanas din ng 2,635.9 mm na ulan sa kabuuan ng buwan.

Sa ngayon, umaabot na sa 188 syudad at munisipalidad ang nasa ilalim ng state of calamity dahil sa mga serye ng pag-ulan at pagbaha na dulot ng magkakasunod na bagyo at ng hanging habagat. VIA Bombo Genesis Racho