Naniniwala ang Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) na ang pagkakaloob ng piyansa kay Vice President Sara Duterte sa kasong grave threats ay pagkakataon para sa kanya na harapin ang kaso at ipagtanggol ang kaniyang sarili sa loob ng proseso ng korte.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, sinabi ni Raymond de Vera Palatino, Secretary General ng Bayan, na mahalagang managot ang mga opisyal ng pamahalaan sa kanilang mga pahayag at aksyon, lalo na kung may kaugnayan ito sa pagbabanta ng karahasan.
Ayon kay Palatino, hindi dapat maging dahilan ang posisyon o kapangyarihan ng isang opisyal upang makaiwas sa pananagutan sa ilalim ng batas.
Iginiit din niya na may nakikita siyang double standard sa paraan ng paghawak sa kaso ni Duterte kumpara sa mga ordinaryong mamamayang nahaharap sa kaso.
Binanggit niya ang naging karanasan ng isang kasamahan sa Gabriela na aniya ay hindi nabigyan ng kaparehong proseso na nakita niya sa kaso ng Bise Presidente.
Para kay Palatino, mahalagang pantay ang pagpapatupad ng batas at hindi dapat nakadepende sa katayuan o posisyon ng isang indibidwal.
Hindi rin siya kumbinsido sa pahayag ng kampo ng Bise Presidente na walang special treatment na ipinagkaloob sa kanya.
Ayon sa lider ng Bayan, kapansin-pansin umano ang naging proseso ng pagkuha ng piyansa ni Duterte, lalo na sa usapin ng oras at lugar ng pagdinig.
Gayunman, iginiit niya na dapat pa ring dumaan sa wastong proseso ang kaso at magkaroon ng pagkakataon ang Bise Presidente na magharap ng depensa at ebidensiya.










