Inihayag ng House prosecution panel na nasa 70 porsyento na silang nakukumpleto sa paghaharap ng mga ebidensya para sa confidential funds article o Article 1 kaugnay ng umiiral na impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte.
Ayon kay panel spokesperson Representative Renee Co, malaking bulto na ng mga dokumento at mga kinakailangang testigo ang matagumpay na naiprisinta ng mga prosecutor sa impeachment court upang patunayan ang umano’y maanomalyang paggamit ng Bise Presidente sa kaniyang confidential at intelligence funds.
Target ng lupon na tuluyang matapos ang pagpreresenta sa naturang artikulo pagsapit ng Miyerkules, Setyembre 9, alinsunod na rin sa naunang manifestation na inihain ng prosekusyon sa Senado.
Giit ni Co, malinaw nang naipipinta sa pagdinig ang buong larawan ng hindi umano katanggap-tanggap na paggastos sa pondo ng bayan, na maituturing na isang betrayal of public trust at malinaw na batayan para sa impeachment.
Upang lalo pang mapatibay ang kaso bago isara ang unang artikulo, tiniyak ng tagapagsalita na magpapasok pa sila ng karagdagang mga pangunahing saksi na may direktang kaalaman sa mga naging transaksyon at paggamit ng tanggapan ng Bise Presidente sa pampublikong pondo.
Mula nang magsimula ang pagdinig, nakapaghain na ang House panel ng mga kwalipikadong testigo kabilang ang dalawang bank manager mula sa mga bangko ng pamahalaan, dalawang auditor ng Commission on Audit (COA), dalawang opisyal ng militar, at dalawang dating executive na nagsilbi sa ilalim ng pamumuno ni Duterte.










