Dagupan City – Patuloy ang isinasagawang rechanneling operation ng Lokal na Pamahalaan ng Tayug sa Viray-Dipalo River sa Barangay Libertad upang mabawasan at makontrol ang malalakas na agos ng tubig na dumadaloy patungo sa nasirang bahagi ng dike.

Layunin ng operasyon na mailihis at mapamahalaan ang daloy ng tubig upang maiwasan ang posibleng karagdagang pinsala sa dike at mga kalapit na lugar, gayundin upang mapanatili ang kaligtasan ng mga residenteng nakatira malapit sa ilog.

Kasabay nito, nagpapatuloy ang monitoring ng mga kinauukulang awtoridad sa kondisyon ng Viray-Dipalo River at sa mga lugar na maaaring maapektuhan ng pagtaas o malakas na pag-agos ng tubig.

--Ads--

Pinapayuhan naman ang mga residente, partikular ang mga nakatira sa mabababang lugar at malapit sa ilog, na manatiling mapagmatyag at iwasang lumapit sa mga delikadong bahagi ng lugar.

Hinihikayat din ang publiko na patuloy na sumunod sa mga abiso at direktiba ng Lokal na Pamahalaan at iba pang kinauukulang awtoridad upang matiyak ang kaligtasan ng lahat.