Pormal nang pinagtibay ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), Bombo Radyo Dagupan at Star FM Dagupan ang kanilang partnership sa pamamagitan ng Memorandum of Agreement (MOA) signing para sa pagsasagawa ng Dugong Bombo 2026.
Layunin ng pakikipagtulungan na palakasin ang adbokasiya sa boluntaryong pagdo-donate ng dugo at hikayatin ang iba’t ibang sektor ng komunidad na makibahagi sa gawaing makapagliligtas ng buhay.
Ayon kay JSupt. Randy A. Batay-an ng Dagupan City Jail Male Dormitory, mahalaga ang pagkakaisa at pagtutulungan ng iba’t ibang institusyon upang mas mapalakas ang ugnayan at mas madaling makamit ang mga layuning kapaki-pakinabang sa lipunan.
Binigyang-diin niya na mahalaga rin sa BJMP ang pagiging bahagi ng mga makabuluhang gawaing pangkomunidad, sa kabila ng kanilang tungkuling ginagampanan sa loob ng pasilidad ng piitan.
Hinimok din niya ang mga institusyon, organisasyon, indibidwal at residente na makiisa sa blood donation activity na gaganapin sa Nobyembre 14, 2026 sa ground floor ng Nepo Mall, Arellano Street, Dagupan City, Pangasinan.
Sa kasalukuyan, may apat na indibidwal na aniya ang nagpahayag na ng kahandaang makilahok at mag-donate ng dugo.
Bitbit ang temang Dugong Bombo 2026: A Little Pain, A Life to Gain, layunin ng aktibidad na makahikayat ng mas maraming donor at makatulong sa pangangailangan sa suplay ng dugo ng mga pasyenteng nangangailangan nito.









