Malaki ang pagkalugi ng mga magsasaka sa Bongabon, Nueva Ecija dahil sa halos isang buwang pag-ulan na dulot ng Habagat at mga nagdaang bagyo.
Ayon kay Mark Paul Rubio, isang magsasaka sa Bongabon, mahina ang ani ngayong Setyembre, partikular sa mga naunang nagtanim ng palay.
Tinatayang nasa 40 porsiyento lamang ng palay ang maaaring maisalba, habang mas malaki ang napinsala kaya hindi na mabawi ng mga magsasaka ang kanilang ginastos sa produksyon.
Hindi naman sabay-sabay na nagtanim ng palay ang mga magsasaka sa lugar kaya may ilan pa umanong maaaring makapag-ani nang maayos, lalo na kung hindi na magtutuloy-tuloy ang malalakas na pag-ulan.
Samantala, sinabi ni Rubio na nakapagtanim siya ng palay sa 2.5 ektarya ng lupain, ngunit tinatayang hindi na niya mababawi ang puhunan dahil sa pinsalang idinulot ng Habagat. Nakatakda pa rin aniya siyang mag-ani sa Setyembre 10.
Dagdag pa sa problema ng mga magsasaka ang pagbaba ng presyo ng palay. Umaabot lamang sa 14 hanggang 15 piso kada kilo ang wet palay, habang nasa 18 piso kada kilo naman ang dry palay.
Gayunman, kahit patuyuin pa ang palay bago ibenta, nalulugi pa rin umano ang mga magsasaka dahil hindi nito natutumbasan ang kanilang naging gastos sa pagtatanim.
Hanggang sa kasalukuyan, wala pa rin umanong natatanggap na tulong mula sa pamahalaan ang mga magsasakang naapektuhan ng pag-ulan at pagbaha.










