Dagupan City – Personal na pinangunahan ni Pangasinan Governor Ramon V. Guico III ang pamamahagi ng relief goods sa mga pamilyang lumikas sa kanilang mga tahanan dahil sa patuloy na pagbaha sa bayan ng Bayambang.

Kasunod ng pagsasailalim sa Pangasinan sa state of calamity, nagtungo ang gobernador sa ilang evacuation centers upang alamin ang kalagayan ng mga internally displaced persons (IDPs) sa Barangay Manambung Sur, San Gabriel 2nd at Paragos.

Tinatayang 300 pamilya ang kasalukuyang nananatili sa mga evacuation center matapos tumaas ang tubig-baha dulot ng walang tigil na pag-ulan. Personal na inihatid sa kanila ang mga relief goods, hygiene kits at ready-to-eat food mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).

--Ads--

Bukod sa pamamahagi ng ayuda, inalam din ni Guico ang mga hinaing at iba pang agarang pangangailangan ng mga apektadong residente, partikular ang mga pamilyang hindi makapaghanapbuhay dahil sa epekto ng pagbaha.

Patuloy naman ang assessment ng Pamahalaang Panlalawigan ng Pangasinan at mga lokal na pamahalaan sa mga apektadong lugar upang matukoy ang mga pangangailangan ng mga residente at mapabilis ang paghahatid ng tulong habang nagpapatuloy ang epekto ng kalamidad.