Bumuo ang Sangguniang Bayan ng Lingayen ng Flood Control Master Plan Ordinance na naglalayong mabawasan ang epekto ng pagbaha at mapabilis ang paghupa ng tubig sa bayan.

Ayon kay Lingayen Vice Mayor Jay Mark Kevin Crisostomo, nagsisilbing catch basin ang Lingayen para sa tubig na nagmumula sa mga mataas na lugar, kaya nakasanayan na ng mga residente ang pagtaas ng tubig tuwing may malakas na pag-ulan.

Gayunman, sinabi ni Crisostomo na naiiba ang lawak at tindi ng pagbaha na naranasan ng bayan nitong mga nakaraang panahon, partikular na dahil sa magkakasunod na bagyo at Habagat.

--Ads--

Dahil dito, isinusulong ng lokal na pamahalaan ang Flood Control Master Plan bilang pangmatagalang solusyon sa problema sa pagbaha, na layuning dumating ang panahon na magiging flood-free municipality ang Lingayen.

Samantala, mayroong Quick Response Fund na P7.5 milyon ang LGU ngayong taon na gagamitin sa pagtugon sa mga pangangailangan ng bayan sa buong taon. Kalahati nito ay ilalaan sa pagtugon sa mga kalamidad at planong i-augment sa mga tulong na manggagaling sa national at provincial government upang mas maraming pamilyang nangangailangan ang matulungan.

Nanawagan naman si Crisostomo sa mga residente na magkapit-bisig, manatiling matatag at magtulungan, lalo na ang mga kababayang higit na nangangailangan ng suporta sa panahon ng kalamidad.