Natagpuan sa magkahiwalay na bayan sa katubigan ng Pangasinan ang dalawa sa apat na indibidwal na pinaghahanap matapos mahulog sa ilog ang kanilang sinasakyan nang bumigay ang bahagi ng Agana Bridge sa Tarlac City noong Sabado.
Kinilala ang mga ito na sina James Patrick Dayao Taborlupa, 35-anyos, at residente ng Barangay Maliwalo, Tarlac City, Tarlac at Shanen Tuhao, nasa hustong gulang at isang guro.
Si Taborlupa ay natagpuan dakong alas-10 ng umaga noong Agosto 31 ng mga mangingisda na wala nang buhay na lumulutang sa karagatan, tinatayang walong kilometro mula sa shoreline ng bayan ng Lingayen na inireport sa Philippine Coast Guard (PCG) Dagupan Sub-Station kaya dinala sa pantalan sa Dagupan City.
Habang natagpuan namang nakalutang sa bukid na may tubig ang katawan ni Tuhao na wala nang buhay sa Barangay San Vicente sa bayan ng Bayambang.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Rogelio Arellano Cabral, pumunta siya sa bukid upang maglinis, dakong alas -3 ng hapon ngunit nang pauwi na siya ay tinawag siya ng kanyang kumpare na nagsabing may nakalutang na bangkay na nakasabit sa isang poste sa gulayan.
Nang nakita umano nito ay blotted na at nangingitim na ang buong katawan kaya agad nilang inalis sa pagkakasabit at tinalian para hindi umagos sa tubig tsaka nila ipinagbigay alam sa mga barangay officials bago dumating ang mga pulisya.
Napagtanto aniya nito na baka isa ito sa nawawalang indibidwal na pinaghahanap sa Tarlac City.










