Nagpapatuloy ang pagmonitor ng Dagupan City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) sa tumataas na tubig-baha sa lungsod, habang ilang residente sa mga mabababang lugar ang nagsagawa ng preemptive evacuation.

Ayon kay Ronald De Guzman, Head ng Dagupan City CDRRMO, patuloy ang kanilang monitoring sa 31 barangay at koordinasyon sa iba’t ibang ahensya bunsod ng patuloy na pagtaas ng tubig.

Posibleng dulot umano ito ng patuloy na pag-agos ng tubig mula sa kabundukan, patuloy na pagdagdag ng tubig sa Sinucalan-Pantal River, habang may mga bakas ng tubig mula sa mga upper municipalities at lungsod na dumaraan sa mga pangunahing kalsada patungo sa Dagupan.

--Ads--

Ayon pa dito, may ilang karatig-munisipalidad na nakakapagpaagos na ng kanilang tubig, subalit sa Dagupan ang bagsak ng ilan sa mga ito.

Dahil dito, nagpatupad ang lungsod ng preemptive evacuation mula Biyernes hanggang Linggo sa mga apektadong barangay.

May mga residente na ring inilikas sa mga evacuation center, partikular ang mga nakatira malapit sa ilog, sa boundaries ng Calasiao, at iba pang mabababang lugar.

Sa mga island barangay, sinabi ni De Guzman na nananatiling manageable ang sitwasyon at wala pang kinakailangang malawakang paglikas.

May ilan namang evacuation centers na binuksan sa eastern barangays para sa mga residenteng nakatira malapit sa ilog at mabababang lugar.

Sa kabila ng sitwasyon, sinabi ng opisyal na wala pa namang naiuulat na insidente kaugnay ng pagbaha.

Patuloy din ang koordinasyon ng CDRRMO sa Philippine National Police (PNP), Dagupan City Fire Station, Dagupan City Police Office, PNP Maritime at Philippine Coast Guard upang matiyak ang kaligtasan ng mga residente.

Samantala, nagpaalala rin ang CDRRMO sa mga magulang na bantayan ang kanilang mga anak at huwag payagang maligo o maglaro sa tubig-baha dahil maaari itong magdulot ng mga sakit gaya ng leptospirosis.

Hinimok ng tanggapan ang publiko na manatiling alerto, makinig sa mga abiso ng barangay at awtoridad, at agad na lumikas kung kinakailangan para sa kanilang kaligtasan.