Nananatiling mataas ang tubig baha sa bayan ng Lingayen, Pangasinan, habang patuloy ang isinasagawang rescue at relief operations sa mga apektadong barangay.
Ayon kay Vice Mayor Jay Mark Kevin Crisostomo, nasa 562 pamilya o katumbas ng 1,742 indibidwal ang kasalukuyang nasa iba’t ibang evacuation center dahil sa pagbaha.
Bukod sa mga coastal barangay gaya ng Libsong East, Libsong West, Poblacion, Maniboc at Pangapisan North, apektado na rin ng pagbaha ang ilang southern barangay ng bayan.
Ayon naman sa mga rescuer, lampas-tao na ang taas ng tubig sa mga lugar ng Lasip, Namolan, Rosario, Tumbar at Aliwecwec. Sinabi ng mga ito na ngayon lamang nila naranasan ang ganito kataas at kabilis na pagtaas ng tubig baha.
Patuloy ang rescue at relief operations sa iba’t ibang barangay, kabilang ang pamamahagi ng family food packs sa mga residenteng apektado ng pagbaha.










