Umabot sa dibdib ang pinakamataas na naitalang tubig-baha sa ilang bahagi ng Infanta, Pangasinan matapos ang walang tigil na pag-ulan. Sa kabila nito, bumuti na ang lagay ng panahon at bumaba na ang lebel ng tubig ngayong araw kumpara kahapon.


Ayon kay Allan Rey Dela Cruz, hepe ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office ng Infanta, karamihan sa mga coastal barangay ay nakaranas ng pagbaha. Patuloy namang binabantayan ang dalawang ilog sa bayan, habang nagpapatuloy ang clearing operation sa lugar na nakaranas ng landslide.


Umabot sa 47 pamilya ang pansamantalang inilikas kahapon, ngunit nakabalik din ang karamihan matapos mabilis na humupa ang tubig. Tatlong araw na ring nasa ilalim ng state of calamity ang Infanta, habang patuloy ang assessment sa epekto ng kalamidad sa mga residente at kabuhayan.

--Ads--


Tinatayang 11 milyong piso ang pinsala sa agrikultura, kabilang ang palay, mais at high-value crops. Malaki rin ang epekto sa sektor ng pangingisda dahil halos isang buwan nang hindi nakakapalaot ang mga mangingisda at kabilang sila sa mga prayoridad para sa relief assistance. Samantala, may ilang kalsadang naapektuhan ng baha ngunit passable na sa ngayon.