Pinaiigting ng Provincial Engineering Office (PEO) ng Pangasinan ang pagkukumpuni ng mga nasirang kalsada at pagpapahusay ng mga imprastraktura sa lalawigan, lalo na sa mga lugar na madalas maapektuhan ng pagbaha.
Ayon kay Engr. Amadeo B. Veras, Department Head ng Provincial Engineering Office, sinimulan ang pagkukumpuni sa mga kalsadang aspalto matapos humupa ang pag-ulan. Karamihan sa mga butas sa mga kalsada ay naayos na, habang nagpapatuloy ang mga kaugnay na proyekto sa ikalawang distrito.
Kabilang sa mga pinag-aaralan ng tanggapan ang pagtataas ng ilang bahagi ng kalsada upang hindi agad abutin ng tubig-baha. Isinasaalang-alang din ang paggamit ng konkretong materyales sa mga lugar kung saan hindi na angkop ang aspalto, bilang bahagi ng pangmatagalang solusyon sa pagkasira ng mga daan.
May nakatalagang project engineer sa bawat distrito upang subaybayan ang kalagayan ng mga kalsada at tulay na sakop ng pamahalaang panlalawigan. Iniuulat ng mga ito ang mga nasirang bahagi upang mapag-aralan ang kinakailangang pagkukumpuni at maisama sa mga programang popondohan.
Samantala, nagpapatuloy rin ang konstruksyon ng 11-palapag na gusali malapit sa Provincial Capitol. Nasa ikawalong palapag na ang proyekto at inaasahang maaabot ang ika-11 palapag pagsapit ng Disyembre, habang nakasalalay sa karagdagang pondo ang pagkumpleto nito. Tinatayang halos 70 porsiyento naman ng pagpapaganda sa kapitolyo ang matatapos sa kalagitnaan ng susunod na taon, kabilang ang pagpapalawak ng drainage system at iba pang pagpapahusay sa paligid nito.
Inihayag din ni Veras ang nalalapit na pagkumpleto ng charging station para sa mga electric vehicle. Ayon sa kanya, inaasahan ding mas mabibigyang-pansin ang mga proyektong pang-imprastraktura sa 2027, kasunod ng mga nakaraang taon na nakatuon sa pagpapalawak ng mga programang pangkalusugan at mga pasilidad ng ospital sa lalawigan.










