Dagupan City – Naisilbi na ang dismissal order laban kina Urdaneta City Mayor Julio Parayno III, Vice Mayor Jimmy Parayno at anim na konsehal matapos ang inilabas na consolidated decision ng Office of the Ombudsman, ayon kay dating konsehal Michael Brian Perez, complainant sa kaso at dating pangulo ng Liga ng mga Barangay sa lungsod.
Ayon kay Perez, nagulat siya nang matanggap at mabasa ang desisyon, ngunit ikinatuwa niya ang naging pasya ng Ombudsman.
Aniya, matagal na niyang ipinaglaban ang usapin at hindi na niya inakalang maipagpapatuloy pa ang proseso, dahil nag-ugat ang kaso noon pang 2022.
Dagdag pa niya, ginawa niya ito para sa mga residente at tagasuporta sa Urdaneta City na nagnanais na maresolba ang mga isyung ibinabato noon sa mga opisyal.
Kasunod ng kautusan, nanumpa at umupo na sa kanilang mga bagong tungkulin sina Blesildo Sumera bilang alkalde at Rio Virgilio Esteves bilang bise alkalde ng Urdaneta City.
Batay sa 21-pahinang consolidated decision ng Ombudsman na may petsang Abril 15, 2026, napatunayang administratibong mananagot sina Parayno III at Vice Mayor Parayno sa kasong grave misconduct, habang gross neglect of duty naman ang pananagutang ipinataw sa anim na konsehal na sina Franco Paolo San Juan Del Prado, Warren Dela Cruz Andrada, Aurelio L. Agsalud, Franklin V. Villanueva, Jhan Hero M. Sumera at Alfonso Miguel Manuel Del Prado.
Bukod sa pagkakatanggal sa serbisyo, ipinataw rin sa mga nasasangkot ang habambuhay na diskwalipikasyon sa paghawak ng anumang posisyon sa pamahalaan, kanselasyon ng civil service eligibility, pagbabawal sa pagkuha ng Civil Service Examination at pagkawala ng karapatan sa retirement benefits.
Nag-ugat ang kaso sa umano’y hindi pagsunod ng mga dating opisyal sa naunang notice of suspension at sa pagharang sa pag-upo ng mga itinalagang pansamantalang opisyal habang nakasuspinde ang mga pangunahing pinuno ng lungsod noong Enero 2025.
Sa kabila ng mahabang proseso, iginiit ni Perez na sa huli ay nanaig ang hustisya.









