Dagupan City – Nanawagan ang pamunuan ng Barangay Poblacion Oeste sa lokal na pamahalaan ng Dagupan City at Department of Public Works and Highways (DPWH) Region 1 na agarang maisagawa ang pagsasaayos at rehabilitasyon ng Careenan Creek upang makatulong sa matagal nang problema ng pagbaha sa kanilang nasasakupan.

Ayon kay Kapitan Mark Anthony Gutierrez, taun-taon nang nararanasan ng mga residente ang pagbaha, dahilan upang maging isa ito sa pinakamalaking problema ng barangay.

Aniya, umaasa siyang maisusulong na ang proyekto sa pamamagitan ni Dagupan City Mayor Belen Fernandez, lalo na’t una na itong naitalaga bilang prayoridad na proyekto ng lungsod.

--Ads--

Ayon kay Gutierrez, nakipagpulong na umano ang barangay sa DPWH Region 1 noong nakaraang taon kaugnay ng proyekto.

Gayunman, nagkaroon ito ng pagkaantala dahil sa mga naging isyu patungkol sa flood control project.

Umaasa ang kapitan na maisasagawa na ang proyekto sa huling bahagi ng taong ito o sa unang quarter ng susunod na taon.

Ayon sa kapitan, kabilang sa mga planong hakbang ang pagtatayo ng pumping station at water pump, rehabilitasyon o reconstruction ng drainage system, at paglalagay ng floodgate.

Dahil dito, iginiit niyang kailangang maisagawa muna ang mga kinakailangang imprastraktura sa Careenan Creek upang maiwasan ang mas malalang pagbaha sa mga komunidad.

Kabilang sa mga lugar na binanggit ni Gutierrez na matagal nang nangangailangan ng aksyon ang bahagi ng Sitio Macario, kung saan patuloy umano ang reklamo ng mga residente tungkol sa kawalan ng pagbabago sa kondisyon ng Careenan Creek na umaabot sa lagpas beywang ang tubig-baha kapag lumala ang sitwasyon.

Ayon pa sa kapitan, ilang administrasyon na ang nangakong tutugon sa problema ngunit hindi pa rin ganap na naisasakatuparan ang proyekto dahil 2018 pa niya itong nirerequest na matugunan.

Sinabi niyang isa ito sa mga ipinangako ng kanilang barangay council sa mga residente noong nakaraang barangay election, kaya patuloy nilang itinutulak ang proyekto sa LGU at DPWH.

Bukod sa pagbaha, nagbabala rin ang kapitan sa posibleng panganib ng leptospirosis partikular sa mga residenteng nakatira malapit sa creek at sa mga lugar na madalas bahain lalo na’t nagkaroon na ng unang kaso ang kanilang barangay.

Hinimok niya ang mga residente na mag-ingat, lalo na ang mga bata, matatanda at mga may sugat, dahil maaaring magkaroon ng exposure sa kontaminadong tubig-baha.

Samantala, Umaasa ang pamunuan ng Poblacion Oeste na maisasagawa ang proyekto bago ang mga susunod na halalan upang maramdaman na ng mga residente ang konkretong hakbang ng pamahalaan laban sa paulit-ulit na pagbaha.