Dagupan City – Nagkaloob ang Aboitiz Renewables, Inc. ng 200 sako ng bigas sa Pamahalaang Panlalawigan ng Pangasinan bilang karagdagang tulong sa mga pamilyang naapektuhan ng mga nagdaang kalamidad.
Bawat sako ay naglalaman ng 25 kilo ng bigas, na nakalaan para sa mga residenteng nangangailangan ng agarang suporta matapos ang mga kalamidad na tumama sa lalawigan.
Tinanggap ang donasyon ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) mula kay Aboitiz Renewables, Inc. AVP for Stakeholder Relations and Permitting Mark Hadrian Gamo.
Ayon sa pamahalaang panlalawigan, ang donasyon ay dagdag-suporta mula sa pribadong sektor at bahagi ng patuloy na pakikipagtulungan ng probinsya sa iba’t ibang ahensya at institusyon upang matiyak na naihahatid ang kinakailangang tulong sa mga residenteng higit na nangangailangan.
Inaasahang makatutulong ang rice donation sa pagtugon sa pangunahing pangangailangan ng mga pamilyang naapektuhan ng kalamidad, lalo na sa panahon ng kanilang pagbangon at pagharap sa mga naging epekto ng sakuna.
Patuloy naman ang koordinasyon ng Pamahalaang Panlalawigan ng Pangasinan sa mga katuwang nitong organisasyon at pribadong institusyon upang mapalawak ang suporta para sa mga komunidad na nangangailangan ng tulong.










