Binigyang-diin ng Magsasaka Party-list ang pangangailangang tugunan ang mabagal na paghupa ng baha sa mga sakahan, na patuloy na nakaaapekto sa kabuhayan ng mga magsasaka sa mga probinsya. Kabilang dito ang pagsusuri sa mga flood control project na layong mabawasan ang pagbaha sa mga agricultural area.
Ayon kay Magsasaka Party-list Chairman Atty. Argel Cabatbat, mahalagang maisama sa mga isinasagawang budget deliberation sa Kongreso ang konkretong mga hakbang laban sa pagbaha, lalo na dahil kabilang sa mga pangunahing apektado ang sektor ng agrikultura. Binanggit din niya ang pangangailangan ng mga kinatawan na higit na maunawaan ang aktuwal na kalagayan ng mga sakahan.
Samantala, sinabi ni Cabatbat na maaaring makatulong ang paggamit ng drones at iba pang makabagong teknolohiya sa pagpapabilis ng mga gawain sa bukid at pagpapaunlad ng produksyon. Gayunman, maaari rin itong magbawas sa pangangailangan sa labor force, kaya iminungkahi niyang pag-aralan ng pamahalaan ang magiging epekto nito sa trabaho at kabuhayan ng mga manggagawa sa agrikultura.
Samantala, suportado rin ni Cabatbat ang pagkakaroon ng crop insurance para sa mga magsasaka, lalo na sa harap ng madalas na epekto ng kalamidad sa mga pananim. Kabilang sa mga maaaring makinabang dito ang mga nagtatanim ng high-value crops, partikular sa mga lugar na madaling tamaan ng matinding pinsala sa pananim gaya ng ilang bahagi ng Benguet.










