Idinulog ni House Prosecution counsel Atty. Lorna Kapunan sa Senate Impeachment Court na “na-Indian” sila ng depensa matapos balewalain ang kanilang mensahe at mabigong makipagkita noong nakaraang Huwebes o Biyernes para ikumpara ang acknowledgement receipts kaugnay ng misuse of confidential funds charges laban kay Vice President Sara Duterte.
Sa kaniyang manifestation sa ika-14 na impeachment trial ngayong Martes, Agosto 11, sinabi ni Atty. Kapunan na nagpapahiwatig ito ng “bad faith” mula sa panig ng depensa.
Ayon pa sa private prosecutor, idinahilan umano ng kabilang panig na kulang sila sa mga abogado at walang sapat na oras upang sundin ang utos ni Trial Presiding Officer Francis Escudero.
Inalala rin ni Kapunan na nagpadala ng mensahe ang kanilang panig sa depensa noong Miyerkules para tanungin kung kailan maaaring magkita ang magkabilang panig para sa stipulation ng nasabing mg dokumento.
Subalit ayon kay Kapunan, wala silang natanggap na reply hanggang sa matapos ang office hours noong Huwebes, sa halip inirekomendang magkita sa Agosto 14 na lagpas na sa dalawang petsang inirekomenda ng impeachment court.
Katwiran naman ng Defense counsel na si Atty. Kristine Ferrer na hindi na kailangang ikumpara ang mga exhibit dahil nakasalalay na sa pagpapasya ng korte ang pag-apruba sa authenticity ng mga acknowledgement receipt.
Matatandaang noong nakalipas na impeachment trial noong Miyerkuels, inatasan ng presiding officer ang magkabilang panig na magpulong sa Huwebes, Agosto 6 o Biyernes, Agosto 7 para ikumpara ang acknowledgement receipts, na tinanggihan ng depensa na i-stipulate.
Tila nagkaroon naman ng light moment sa kasagsagan ng diskusyon kaugnay ng usapin nang linawin ng presiding officer kay Atty. Kapunan na hindi siya In-indian kundi ‘na-ghost’ ito dahil wala pa namang nangyaring pag-uusap.
“Chair would just like to correct. Hindi ka, Atty. Lorna, in-Indian baka ghinost ka kasi hindi ka sinagot e pero hindi ka in-Indian wala kayong pinag-usapang date pa eh,” biro ni Escudero kay Atty. Kapunan.
Sa huli, nagpasya ang presiding officer na bigyan ng magkabilang panig ang mga senator-judge ng kopiya ng mga minarkahang piraso ng ebidensiya sa kasagsagan ng pretrial upang sila na mismo ang magkumpara.










