Nananatiling nasa red alert status ang buong lalawigan ng Pangasinan dahil sa patuloy na epekto ng bagyong Maymay.Aon sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), nakahanda ang kanilang tanggapan sa pagtugon sa anumang posibleng insidente at mayroon nang karagdagang puwersang nakaalalay. Sa pinakahuling tala, may 12 barangay ang nakararanas ng pagbaha, karamihan ay nasa Lingayen at Calasiao, habang bahagya nang humupa ang tubig sa ilang lugar sa kanlurang bahagi ng lalawigan.


Ayon kay Vincent Chiu, operation supervisor ng PDRRMO Pangasinan, patuloy na binabantayan ng mga awtoridad ang ilang barangay sa Calasiao, Bolinao at Lingayen. Karamihan sa mga pangunahing kalsada ay nananatiling madaanan, maliban sa bahagi ng Malico sa San Nicolas na pansamantalang isinara batay sa abiso ng Department of Public Works and Highways. Nagsagawa rin ng preemptive evacuation sa Alaminos at Bani, kung saan may ilang residente ang pansamantalang inilikas at ang iba ay nakabalik na sa kanilang mga tahanan.


Sa kasalukuyan, wala pang ilog sa lalawigan ang umabot sa critical level, bagama’t bahagyang tumaas ang lebel ng tubig sa ilang lugar. Patuloy ding minomonitor ang Agno River sa pakikipag-ugnayan ng PDRRMO sa mga lokal na pamahalaan upang matiyak ang agarang pagtugon kung sakaling lumala ang sitwasyon.

--Ads--


Samantala, pinaaalalahanan ang publiko na manatiling alerto at sundin ang mga abiso ng mga awtoridad, lalo na sa gitna ng mga suspensyon ng klase. Pinapayuhan din ang mga magulang na bantayang mabuti ang kanilang mga anak at iwasang lumabas o pumunta sa mga ilog at iba pang mapanganib na lugar habang patuloy na nararanasan ang epekto ng masamang panahon.