Naghain ng Motion for Reconsideration ang kampo ni Senator Jinggoy Estrada sa Sandiganbayan Fifth Division upang hilinging baligtarin ang naunang desisyon ng korte na nagbasura sa kanyang hirit na makapagpiyansa para sa kasong plunder.
Nag-ugat ang hakbang matapos ibasura ng Sandiganbayan noong Hulyo 24, 2026 ang naunang motion to fix bail ng senador.
Batay sa naging desisyon ng korte, premature o masyado pang maaga ang kanyang mosyon. Ipinaliwanag ng anti-graft court na ang kasong plunder ay may parusang reclusion perpetua o habambuhay na pagkabilanggo.Dahil dito, hindi awtomatiko ang karapatang magpiyansa at kailangan muna ng evidentiary hearing upang matukoy kung malakas o mahina ang ebidensya.
Sa kanyang bagong mosyon na may petsang Agosto 3, 2026, iginiit ng mga abogado ni Estrada na hindi siya flight risk at nananatiling halal na opisyal ng bayan na may terminong tatagal hanggang Hunyo 2028.
Inilahad din ng kampo ng senador ang pagsunod nito sa korte sa mga nakaraang biyahe kung saan palagi siyang bumabalik ng bansa matapos payagang bumiyahe sa Singapore mula Abril 21-25, 2026 at sa Japan mula Marso 20 hanggang Abril 5, 2026.
Kaugnay nito, hiniling ni Estrada sa korte na irekonsidera ang resolution nito noong Hulyo 24 at mag-isyu ng panibago na pumapayag sa kaniyang mosyon na magtakda ng piyansa sa kaniyang kasong plunder.
Maaalalang nag-ugat ang kasong plunder laban kay Estrada sa umano’y P573 milyong pisong kickbacks mula sa flood control projects, na isinampa ng Office of the Ombudsman sa Sandiganbayan noong Mayo 28, 2026.










