Dagupan City – Naglunsad ng information campaign ang Dagupan City Police Office (DCPO) sa pamamagitan ng paglalagay ng mga information tarpaulin sa ilang pampublikong paaralan sa lungsod upang paalalahanan ang mga estudyante, guro, at mamamayan tungkol sa pagbabawal sa paggawa ng bomb joke threats.
Nakasulat sa mga tarpaulin ang mensaheng “BOMB JOKE AY HINDI BIRO”, kasama ang mga paalala na huwag balewalain ang anumang bomb joke, huwag matakot magsumbong, maging alerto, at agad ipagbigay-alam sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya o sa kinauukulang awtoridad kung may marinig o masaksihang ganitong insidente.
Layunin ng kampanya na palawakin ang kamalayan ng publiko hinggil sa seryosong legal na pananagutan sa paggawa ng bomb joke threats, hikayatin ang pagiging mapagmatyag ng mga estudyante, guro, at iba pang miyembro ng komunidad, at higit na mapalakas ang kaligtasan sa pamamagitan ng tamang pagbabahagi ng impormasyon.
Ayon sa Dagupan CPO, bahagi ang inisyatibong ito ng patuloy na pakikipagtulungan ng pulisya sa sektor ng edukasyon at sa komunidad upang mapanatili ang kapayapaan, kaayusan, at kaligtasan sa lungsod.










