Dagupan City – Mariing kinondena ng Kilusang Mayo Uno (KMU) ang pagpapatigil sa implementasyon ng nakatakdang umento sa sahod sa National Capital Region (NCR), na tinawag nitong hindi makatarungan at hindi katanggap-tanggap para sa mga manggagawa.

Ayon kay Jerome Adonis, chairperson ng KMU, makikipag-ugnayan sila sa kanilang mga abogado upang pag-aralan ang mga legal na hakbang na maaaring isagawa kaugnay ng naging desisyon.

Kasabay nito, sinabi niyang ipagpapatuloy ng kanilang grupo ang mga kilos-protesta upang ipanawagan ang agarang pagpapatupad ng wage increase.

--Ads--

Tinawag ni Adonis na isang malaking pang-aalipusta sa mga manggagawa ang pagpigil sa umento sa sahod.

Aniya, ang P85 na dagdag-sahod ay maliit na halaga lamang at hindi pa sapat upang matugunan ang patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin.

Iginiit din niya na may legal na usapin sa naging hakbang ng korte. Dito na niya sinabing nakapagtataka kung bakit nakialam sa desisyon ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB), gayong dumaan sa mga itinakdang legal na proseso ang pag-apruba sa wage increase, kabilang ang mga pampublikong pagdinig at konsultasyon sa iba’t ibang sektor.

Binatikos din ni Adonis ang Department of Labor and Employment (DOLE), na aniya ay nabigong ipagtanggol ang panukalang umento sa sahod para sa mga manggagawa.

Kasabay nito, inihayag ng KMU ang pagkadismaya dahil hindi umano nabigyan ng sapat na pansin ang kalagayan ng mga manggagawa sa katatapos lamang na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Nagtataka rin ang grupo kung bakit mariing tinututulan ngayon ng ilang employer ang wage increase at sinasabing makasasama ito sa kanilang mga negosyo.

Ayon kay Adonis, mayroon namang kinatawan ang sektor ng mga employer sa wage board at nabigyan sila ng pagkakataong ihayag ang kanilang posisyon bago pa man maaprubahan ang umento.

Dahil dito, muli niyang iginiit na lehitimo ang kahilingan ng mga manggagawa para sa dagdag-sahod.