Dagupan City – Arestado ang dalawang lalaki matapos umano nilang tangayin ang isang motorsiklo sa bayan ng Manaoag.
Kinilala ang biktima na isang 20-anyos na lalaki, walang trabaho at residente ng Manaoag.
Ayon sa imbestigasyon, ipinarada nito ang kanyang kulay asul na motorsiklo sa harap ng bahay ng kanyang kasintahan bago ito pansamantalang iniwan.
Gayunman, bandang alas-3:00 ng madaling araw nang balikan ng biktima ang kanyang motorsiklo, nadiskubre niyang nawawala na ito.
Bandang alas-7:30 ng umaga, nagtungo siya sa Manaoag Municipal Police Station upang iulat ang insidente ng carnapping.
Agad namang nagsagawa ng follow-up operation ang mga tauhan ng Manaoag MPS. Sa tulong ng GPS tracker na nakakabit sa motorsiklo, natunton ang lokasyon nito sa bayan ng Asingan, Pangasinan.
Dahil dito, matagumpay na naaresto ang dalawang suspek, na may edad 20 at 19, kapwa walang asawa at residente ng Asingan.
Nabawi rin ng mga awtoridad ang ninakaw na motorsiklo.
Patuloy na nagsasagawa ng imbestigasyon ang pulisya para sa kaukulang pagsasampa ng kaso laban sa mga naarestong suspek.










