Dagupan City – Iginiit ni Political Analyst Atty. Michael Henry Yusingco na hindi dapat ituring na isang criminal trial ang kasalukuyang impeachment proceedings, sa kabila ng pagharap ng dalawang testigo sa pagpapatuloy ng paglilitis.
Ayon kay Yusingco, mistulang nasayang lamang ang oras sa presentasyon ng mga testigo dahil hindi na sila isinailalim sa cross-examination ng kampo ng respondent. Aniya, indikasyon ito na hindi na isyu ang kontrobersiyal na usapin hinggil sa pagtanggap at paggamit ng confidential funds ng Bise Presidente.
Kinuwestiyon din niya ang kaugnayan ng testimonya ng mga testigo sa alegasyon ng umano’y maling paggamit ng confidential funds. Giit niya, wala umanong malinaw na koneksyon ang kanilang mga pahayag sa Article I ng Articles of Impeachment.
Binigyang-diin din ni Yusingco na ang Commission on Audit (COA) ang may awtoridad na magpasya kung may naganap na misuse ng confidential funds.
Dahil dito, sinabi niyang hindi niya nauunawaan kung bakit isinama pa bilang testigo ang kinatawan ng Land Bank.
Ayon pa sa political analyst, nagiging “mockery” o paglalagay sa alanganin ng impeachment trial ang ilang hakbang sa proseso dahil nagmumukha na itong isang criminal proceeding na nakatuon sa pagpapatunay ng money trail.
Nilinaw ni Yusingco na ang impeachment ay isang political process at hindi isang criminal proceeding.
Dahil dito, sinabi niyang hindi dapat ituring na objectionable ang opening statement ni ML Party-list Rep. Leila de Lima, at idinagdag na bahagi lamang ng tungkulin ng mga abogado ang paghahain ng objections sa proseso.
Umaasa rin si Yusingco na maipapakita ng Commission on Audit ang mahahalagang testimonial at documentary evidence na makatutulong sa pagtalakay sa mga isyung nakapaloob sa Articles of Impeachment.
Samantala, tinuligsa rin ni Yusingco ang ilang senator-judges dahil sa madalas na pagtatanong sa mga testigo.
Aniya, ang pangunahing tungkulin ng mga senator-judges ay timbangin ang mga ebidensyang inihaharap ng magkabilang panig at hindi ang maghanap ng karagdagang ebidensya.
Dagdag pa niya, may mga pagkakataong nagmumukha nang abogado ng respondent ang ilang senador sa kanilang mga linya ng pagtatanong.










