Patuloy na pinatitibay ng Pamahalaang Bayan ng Agno ang kahandaan nito sa sakuna sa pamamagitan ng tuloy-tuloy na pagsasanay sa disaster preparedness at paghahanap ng angkop na lokasyon para sa isang permanenteng evacuation center.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, sinabi ni Agno Mayor John Celeste na regular na nagsasagawa ng mga pagsasanay ang Office of Civil Defense (OCD), kasama ang Provincial Government ng Pangasinan, upang ihanda ang mga responder sa iba’t ibang uri ng emergency.

Ayon kay Celeste, hindi lamang pagbaha ang saklaw ng mga pagsasanay kundi maging ang pagtugon sa mga aksidente at iba pang sakuna.

--Ads--

Inamin rin niya na isa sa pinakamalaking kakulangan ng Agno ay ang kawalan ng permanenteng evacuation center.

Aniya, ang kasalukuyang ginagamit na evacuation site ay hindi angkop dahil malapit ito sa ilog at nasa mababang lugar, dahilan upang maging delikado rin sa panahon ng kalamidad.

Ipinaliwanag ng alkalde na batay sa kanyang karanasan bilang engineer, ang isang municipal evacuation center ay dapat na nasa mataas at ligtas na lugar upang matiyak ang kaligtasan ng mga evacuee.

Sinabi rin ni Celeste na naghahanap ang lokal na pamahalaan ng mas angkop na lupang pagtatayuan ng evacuation center matapos makita na ang ilang dating napagpipiliang lugar ay hindi pumapasa sa mga kinakailangang pamantayan.

Ibinahagi rin ng alkalde na matapos ang pananalasa ng malakas na bagyo noong nakaraang taon, nakatanggap ang Agno ng iba’t ibang kagamitan at tulong mula sa mga karatig-lungsod at ahensiya ng pamahalaan.

Kabilang dito ang garbage truck mula sa Alaminos City at iba pang sasakyan na ginamit sa paglilinis ng mga lugar na naapektuhan ng kalamidad.

Nagpasalamat din siya sa suporta ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at iba pang mga katuwang ng lokal na pamahalaan sa relief at rehabilitation efforts.

Binigyang-diin din ni Celeste ang kahalagahan ng maayos na disenyo ng flood control projects upang epektibong mabawasan ang pagbaha.

Ipinaliwanag niya na maraming drainage at culvert ang walang sapat na inlet at outlet structures, kabilang ang flood gates o flap gates na nagsisilbing panangga laban sa backflow ng tubig mula sa ilog.

Ayon sa alkalde, kapag walang flood gate ang drainage system, malayang pumapasok ang tubig-ilog sa mga kanal at kalsada lalo na kapag mataas ang tubig, dahilan upang bahain ang mga komunidad kahit wala namang malakas na ulan.

Ibinahagi rin ni Celeste ang dalawang pangunahing uri ng flood control: ang gray flood control, na gumagamit ng konkretong istruktura at bakal, at ang green flood control, na gumagamit ng mga likas na materyales at vegetative protection upang mapangalagaan ang kapaligiran.

Ayon sa kanya, mas mainam ang green flood control sa mga lugar na maaaring mapanatili ang natural na daluyan ng ilog at biodiversity, habang ang gray flood control ay mas angkop sa mga urban na lugar kung saan kinakailangan ang mas matibay na estruktura.

Aniya, mahalagang balansehin ang flood protection at pangangalaga sa kalikasan upang mapanatili ang maayos na daloy ng tubig at ang ekosistema ng mga ilog.