Dagupan City – Naaresto ang isang 44-anyos na lalaki matapos ang isinagawang buy-bust operation ng Binalonan Municipal Police Station (MPS) sa pakikipag-ugnayan sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Regional Office 1, madaling araw ng Hulyo 20, 2026.
Kinilala ng pulisya ang suspek bilang isang may-asawa, driver, residente ng Urdaneta City at pansamantalang naninirahan sa bayan ng Binalonan.
Nakumpiska sa operasyon ang dalawang heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na may kabuuang timbang na 0.51 gramo at tinatayang Standard Drug Price (SDP) na ₱3,468.
Bukod sa hinihinalang ilegal na droga, nasamsam din ang isang brown leather sling bag na naglalaman ng boodle money at buy-bust money, isang kalibre .22 revolver, dalawang bala ng kalibre .22, dalawang bala ng kalibre 5.56, isang kaha ng sigarilyo, isang cellphone, at isang kotse.
Ayon sa pulisya, isinagawa ang pagmamarka at imbentaryo ng mga nakuhang ebidensya sa mismong lugar ng operasyon sa harap ng mga kinakailangang saksi at ng suspek, alinsunod sa itinakda ng batas.
Samantala, Inihahanda na ang pagsasampa ng kaukulang mga kaso laban sa suspek kaugnay ng paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at iba pang naaangkop na batas.










