Dagupan City – Pinarangalan at binigyang-pugay ng Pamahalaang Lungsod ng Dagupan ang halos 1,300 “Maaron Ina” sa pamamagitan ng YAKAP Program bilang pagkilala sa mahalagang papel ng mga ina sa pamilya at komunidad.

Isinagawa ang programa upang maipabatid sa mga benepisyaryo ang iba’t ibang serbisyong ipinagkakaloob ng lokal na pamahalaan sa larangan ng kalusugan, edukasyon, kabuhayan, at serbisyong panlipunan.

Layunin din nitong palakasin ang suporta sa mga pamilya at tiyaking may sapat na pagkakataon ang mga ina na mapaunlad ang kanilang kabuhayan at pamumuhay.

--Ads--

Binigyang-diin din sa programa ang kahalagahan ng mga inisyatiba tulad ng SAFEnet o Secure and Abuse-Free Environment Program, “Nanay, Ikaw ang Unang Guro,” at “A.B.K.D. (Ang Bawat Kabataang Dagupeño) Nakakabasa,” gayundin ang mga aktibidad ng Teen Center na naglalayong isulong ang kapakanan at maayos na kinabukasan ng mga kabataan sa lungsod.

Naging tampok din sa pagdiriwang ang iba’t ibang patimpalak at presentasyon ng mga kalahok, kabilang ang pagluluto at mga pagtatanghal sa sayaw.

Nagkaroon din ng pagkilala sa mga natatanging kalahok sa pamamagitan ng mga parangal.

Bukod sa mga parangal, tumanggap din ng iba’t ibang regalo at produktong mula sa mga katuwang na pribadong kompanya ang mga dumalong ina bilang bahagi ng pagdiriwang.

Ayon sa Pamahalaang Lungsod ng Dagupan, patuloy nitong palalakasin ang mga programang nagbibigay ng suporta sa mga ina at pamilya bilang bahagi ng pagsusulong ng mas matatag, ligtas, at maunlad na komunidad.