Sinampahan ng patong-patong na kaso sa Office of the Ombudsman sina Uswag Ilonggo Representative Jojo Ang Jr., dating Ako Bicol Representative Zaldy Co, negosyanteng si Alfonso Tan, at mga opisyal ng Sunwest Inc., International Builders Corp., J.E. Tico Construction Company, Allencon Development Corp., at A.M. Oreta & Company.
Ang limang magkakahiwalay na reklamo ay inihain ng Amlig Antique Alliance, isang koalisyon ng mga environmental advocate, kaugnay ng umano’y katiwalian at mga proyektong sinasabing nagdulot ng pinsala sa kalikasan sa Antique.
Kasama rin sa mga inireklamo ang mga dating at kasalukuyang opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) Region VI, DPWH Antique District Engineering Office, at Department of Environment and Natural Resources–Environmental Management Bureau Region VI.
Ayon sa Amlig Antique Alliance, ang mga proyektong ipinatupad mula 2019 hanggang 2025 ay lumabag umano sa environmental laws at procurement rules.
Nagpahayag din ng suporta ang Kahublagan Kontra Kurapsyon (KKK) at iba pang mga advocate sa Panay, na nagsabing ang pagsasampa ng reklamo ay unang yugto ng isa sa pinakamalaking citizen-led anti-corruption at environmental accountability campaign sa Western Visayas.
Dagdag pa ng grupo, naghahanda pa sila ng panibagong mga reklamo na sasaklaw sa 91 government contracts na nagkakahalaga ng mahigit P7.3 bilyon mula 2017 hanggang 2025.
Matatandaang una nang sinabi ni Ramil Martinez, communications coordinator ng Amlig Antique Alliance, na nagdulot ng malawak na pinsala sa kalikasan ang serye ng mga proyekto ng Sunwest Inc. na pagmamay-ari ni Zaldy Co.
Tumungo rin sa kanilang tanggapan ang mga indigenous people dala ang mga larawan at video ng gumuguhong kabundukan, lalo na tuwing may bagyo, na itinuturing nilang bunga ng naturang mga proyekto sa lalawigan.










