Muling naglunsad ang United States ng panibagong serye ng airstrikes laban sa mga target na iniuugnay sa Iran matapos umanong atakihin ng mga puwersang Iranian ang isang barkong dumaraan sa Strait of Hormuz, isa sa pinakamahalagang ruta ng pandaigdigang kalakalan ng langis.
Ayon kay Marissa Pascual, Bombo International News Correspondent sa Estados Unidos, isinagawa ang mga airstrike kasunod ng tumitinding tensyon sa pagitan ng dalawang bansa at matapos ang isang Memorandum of Understanding (MOU) na naging bahagi ng mas malawak na usaping panseguridad sa rehiyon.
Nauna rito, sinabi ni Pascual na nais sana ni U.S. President Donald Trump na magkaroon ng direktang pakikipagpulong sa mga opisyal ng Iran upang mapababa ang tensyon at maiwasan ang mas malawak na sigalot.
Gayunman, tumanggi umano ang Iran at hindi tinanggap ang naturang alok para sa pag-uusap.
Binigyang-diin ni Pascual na ang Strait of Hormuz ay isang mahalagang daanan ng mga tanker ng langis, kaya anumang kaguluhan sa lugar ay maaaring magkaroon ng malaking epekto sa pandaigdigang suplay ng langis, ekonomiya, at seguridad.
Aniya, bagama’t tila eksena lamang sa isang pelikula ang mga nagaganap na pag-atake at ganting-operasyon, ito ay tunay na sitwasyon na patuloy na binabantayan ng buong mundo.
Hinikayat din niya ang publiko na manatiling mapanuri at maging updated sa mga internasyonal na pangyayari, dahil ang lumalalang tensyon sa Gitnang Silangan ay maaaring magkaroon ng epekto hindi lamang sa rehiyon kundi maging sa pandaigdigang ekonomiya at seguridad.










