Muling uminit ang tensiyon sa Gitnang Silangan matapos magsagawa ang Estados Unidos ng panibagong serye ng airstrike bilang tugon umano sa pag-atake ng puwersa ng Iran sa isang barkong dumaraan sa Strait of Hormuz.

Dahil dito, inaasahan ang panibagong banta sa pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.

Ayon kay Denmark Suede, isang geopolitical observer, nananatiling napakakomplikado ang sitwasyon sa pagitan ng Estados Unidos at Iran, lalo na sa usapin ng ceasefire o tigil-putukan.

--Ads--

Aniya, lalo pang tumindi ang tensiyon matapos umano ang pag-atake ng Iran sa limang bansang nasa Gulf region at ang pagdedeklara nito ng pagsasara ng Strait of Hormuz, kasunod ng ikatlong serye ng airstrike ng Estados Unidos sa loob lamang ng isang linggo.

Dagdag pa ni Suede, mabilis ang naging reaksiyon ng pandaigdigang merkado sa nangyari.

Dahil sa katunayan aniya, sa loob lamang ng wala pang isang oras ay tumaas na umano ng humigit-kumulang tatlong dolyar kada bariles ang presyo ng langis.

Iniuugnay rin ni Suede ang mga kaganapan sa mas malawak na usapin ng seguridad sa Indo-Pacific.

Aniya, bahagi umano ng estratehiya ng Amerika ang paghahanda sa posibleng paglala ng sitwasyon kaugnay ng Taiwan, kasunod ng mga babala ng pamunuan ng Taiwan na dapat paghandaan ang taong 2027.

Kaugnay nito, binanggit din niya ang patuloy na tensiyon sa pagitan ng Pilipinas at China matapos gunitain ng Pilipinas ang ika-10 anibersaryo ng Arbitral Award sa West Philippine Sea.

Ayon kay Suede, bagama’t tila tahimik ang China sa ilang pagkakataon, nananatili umano ang estratehiya nito sa pamamagitan ng mga hakbang at aksiyong isinasagawa nito.

Samantala, patuloy na mino-monitor ng mga bansa at ng pandaigdigang merkado ang mga pangyayari sa Gitnang Silangan dahil sa posibleng epekto nito sa suplay ng langis at sa pandaigdigang ekonomiya.