Suportado ang Philippine Guidance and Counseling Association (PGCA) Pangasinan Chapter sa adbokasiya ni Pangasinan Fourth District Congresswoman Manay Gina de Venecia na paigtingin ang pag-aalaga sa kalusugang pangkaisipan o mental health.
Ito ay matapos ang kanilang isinagawang makabuluhang pagpupulong kung saan pinag-usapan ang mga paraan para palawakin ang suporta at mga programa para sa mga nangangailangan.
Ayon kay Dr. Beverly Fernandez, Presidente ng PGCA Pangasinan Chapter, napakahusay ng kanilang pag-uusap kung saan ibinahagi nila ang iba’t ibang aktibidad ng kanilang organisasyon, habang ibinahagi naman ni Cong. de Venecia ang kanyang mga karanasan bilang isang ina at lider.
Binigyang-diin din niya na matagal nang nagsasagawa ng mga hakbang at programa para sa kababaihan at bata si Cong. de Venecia, kahit bago pa man naging mainit na isyu ang mental health, tulad ng pagtataguyod niya sa Haven for Children and Women sa Dagupan – isang proyekto na umaayon din sa layunin ng PGCA.
Sa pagpupulong, binanggit aniya ng kongresista na hindi sapat ang pakikiramay sa mga dumaranas ng anxiety, depresyon, trauma, at matinding kalungkutan – kailangan ng konkretong aksyon, malasakit, at tamang suporta.
Ibinahagi rin niya dito ang sarili niyang karanasan kung saan nawalan siya ng anak na naging dahilan upang itatag ang INA o Inang Naulila sa Anak Foundation, na nagbibigay ng psychosocial support sa mga magulang na nagdadalamhati, pati na rin ang INA Healing Center sa Quezon City para sa counseling at pagpapagaling ng damdamin.
Inilahad naman ng PGCA Pangasinan ang kanilang mga programa para sa pagpapalawak ng kamalayan sa mental health, pagsasanay ng mga propesyonal sa guidance counseling, at mga community-based na serbisyong pangkaisipan.
Dahil dito, nagpasalamat ang PGCA Pangasinan kay Cong. de Venecia sa kanyang patuloy na suporta sa propesyon ng counseling.
Umaasa sila na makakapaglunsad pa ng mas maraming programa para palawakin ang serbisyong pangkalusugang pangkaisipan para sa mga mamamayan ng Pangasinan at sa buong bansa.










