Usap-usapan ngayon ang isang grupo ng mga estudyante mula sa Pisa, Italy matapos nilang gumawa ng kasaysayan sa pagtatala ng bagong Guinness World Record para sa pinakamalaking eroplanong papel sa buong mundo.

Tinawag na “Icarus”, ang dambuhalang paper airplane na may habang 7 metro, may 20.04 metrong wingspan, at tumitimbang ng 28.49 kilo.

Hindi naging madali ang proyekto dahil ilang buwan ding pinag-aralan ng grupo ang tamang balanse, tibay, bigat, at aerodynamics ng kanilang disenyo.

--Ads--

Umabot sa 300 kilo ng papel at 60 kilo ng pandikit ang kanilang nagamit sa sunod-sunod na trial and error bago nila naperpekto ang kanilang obra.

Gumamit din sila ng honeycomb-shaped na disenyo upang mapanatiling matibay ngunit magaan ang eroplano.

Para makilala ng Guinness World Records, kinakailangang mapalipad ang higanteng eroplanong papel ng isang tao lamang at lumipad ito nang hindi bababa sa 15 metro.

Noong Hunyo 25, sa BolognaFiere Hall sa Italy, matagumpay na napalipad ang “Icarus” sa layong 59 metro (193.6 talampakan)—malayong lampas sa minimum requirement at sapat upang makamit ang world record.

Dahil dito, nabasag ang halos isang dekadang rekord na itinakda noong 2013 ng isang grupo mula sa Germany, na noon ay nakapagpalipad ng 5 metrong eroplanong papel na lumipad nang 18 metro.