Dumulog sa Korte Suprema ang ilang abogado upang hilingin ang pansamantalang pagpapatigil sa impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte.
Sa pangunguna ni Atty. Israelito Torreon at iba pang abogado, inihain nila ang isang “Very Urgent Manifestation with Motion” na naglalayong magpalabas ang Kataas-taasang Hukuman ng Status Quo Ante Order laban sa nagpapatuloy na impeachment proceedings.
Layunin ng mosyon na pigilan muna ang Impeachment Court, mga opisyal nito, mga kinatawan, at iba pang sangkot sa proseso sa pagpapatuloy ng paglilitis, pagtanggap ng mga ebidensya, at iba pang kaugnay na hakbang sa impeachment case.
Ayon sa mga petisyuner, nais muna nilang mabigyang-linaw ang nauna nilang petisyon na kumukuwestiyon sa legalidad ng sesyon ng Senado noong Hunyo 3, 2026 na nagresulta sa pagbabago ng liderato ng Mataas na Kapulungan.
Hiniling din ng grupo sa Korte Suprema na maglabas ng kautusan na magpapahintulot lamang sa pagpapatuloy ng impeachment trial kung mahigpit na nasusunod ang Rules of Procedure at kung wala nang nakabinbing constitutional challenge kaugnay sa awtoridad ng presiding officer.
Gayunman, nilinaw ng mga naghain ng mosyon na hindi ito usaping pulitikal kundi isang hakbang upang matiyak na ang impeachment proceedings ay isinasagawa nang naaayon sa Konstitusyon at sa umiiral na mga batas.










