Walang nakikitang paglabag sa batas o sa 1987 Constitution ang isang political analyst sa pagpapalit ng presiding officer ng Senado na nakaupo bilang impeachment court.

Ayon sa political analyst at constitutional expert na si Atty. Michael Henry Yusingco na walang paglabag sa batas o sa 1987 Constitution ang pagkatalaga ng presiding officer sa impeachment court.

Ayon kay Yusingco, walang probisyon sa Saligang Batas na nagsasaad kung sino ang dapat mamuno sa impeachment trial ng isang bise presidente o iba pang impeachable officials.

--Ads--

Dahil dito, sinabi niyang maaaring magtalaga ang Senado ng ibang presiding officer kung ito ay naaayon sa mga umiiral na tuntunin at desisyon ng impeachment court.

Gayunman, sa kanyang personal na pananaw, hindi aniya nararapat na palitan ang kasalukuyang presiding officer kung wala namang malinaw at makatwirang dahilan.

Ipinaliwanag ni Yusingco na bilang pinuno ng Senado, ang Senate President ang nararapat na manguna sa impeachment proceedings, maliban na lamang kung may sapat na batayan upang siya ay mapalitan.

Binigyang-diin din niya na hindi sapat na dahilan ang pagiging hindi abogado ng Senate President upang kuwestiyunin ang kakayahan nitong mamuno sa impeachment trial na maging presiding officer.