Dagupan City – Pinaigting ng lokal na pamahalaan ng Mangaldan, Pangasinan ang seguridad at mga serbisyong pangkalusugan sa mga pampubliko at pribadong sementeryo sa bayan, kasabay ng pagdagsa ng mga dumadalaw sa kanilang mga yumaong mahal sa buhay ngayong Undas.

Nag-deploy ng mga tauhan mula sa Municipal Health Office at mga barangay health worker, habang nakaantabay rin ang mga ambulansya para sa agarang pagtugon sa mga nangangailangan ng tulong medikal. Naglagay din ng tatlong istasyon ng libreng inuming tubig upang makatulong na maiwasan ang dehydration sa gitna ng mainit na panahon.
‎
‎Nakaalerto rin ang Incident Command Post sa pangunguna ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office, katuwang ang pulisya, Bureau of Fire Protection at mga boluntaryo para sa mabilis na pagresponde sa anumang insidente.

Mahigpit na binabantayan ang mga pasukan at labasan ng mga sementeryo upang maiwasan ang pagdadala ng mga ipinagbabawal na bagay na maaaring pagmulan ng sunog o kaguluhan.
‎
‎Samantala, pinaiigting ng Public Order and Safety Office, Municipal Traffic Safety Office at mga barangay tanod ang pagbabantay sa daloy ng trapiko.

--Ads--

Nagpatupad din ang lokal na pamahalaan ng libreng sakay mula Oktubre 31 hanggang Nobyembre 1, katuwang ang 30 drayber ng traysikel, para sa mga senior citizen, buntis at persons with disabilities.

Nag-alay rin ng mga bulaklak bilang pagkilala sa mga yumaong lingkod-bayan sa munisipalidad at mga barangay.
‎
‎Pinapayuhan naman ang publiko na tiyaking nakakandado ang mga bahay at sasakyan bago umalis, ingatan ang mga personal na gamit at magdala ng sapat na tubig at panangga sa init ng araw. Inaasahan pang magpapatuloy ang pagdagsa ng mga dumadalaw sa mga pampubliko at pribadong sementeryo sa Mangaldan hanggang Nobyembre 2.