Naniniwala si Prof. Roland Simbulan, chairperson ng Center for People’s Empowerment in Governance, na makikitang solid ang majority sa botong “Yes,” batay sa naging pattern ng botohan sa impeachment proceedings .

Ayon kay Simbulan, normal lamang na bumoto ng “No” si Senate President Chiz Escudero dahil hindi na umano nito maaaring baguhin ang una niyang posisyon mula nang magsimula ang impeachment trial.

Ang pahayag ni Simbulan ay kasunod ng mga puna ng ilang kritiko na nagsasabing “manipulated” at labag sa Konstitusyon ang bagong two-thirds conviction threshold na itinakda ng Impeachment Court.

--Ads--

Para kay Simbulan, malaking ambag sa paglilinaw ng usapin ang mga legal opinion, karanasan at expertise sa constitutional law ng apat na retiradong mahistrado ng Korte Suprema na inimbitahang magbigay ng payo at rekomendasyon sa mga senador bilang impeachment judges.

Kabilang sa mga inimbitahang mahistrado sina retired Chief Justices Hilario Davide Jr., Artemio Panganiban at Reynato Puno, gayundin si retired Supreme Court Associate Justice Adolfo Azcuna.

Ayon kay Simbulan, naging mahalaga ang kanilang mga pananaw sa pagtalakay ng Senado sa usapin ng conviction threshold.

Sa kanyang pananaw, sinunod ng majority ng mga senador ang mga legal na konsiderasyong inilatag ng mga retiradong mahistrado.

Binigyang-diin din umano ng mga retiradong mahistrado na dapat ang Senado mismo ang magpasya sa usapin at, hangga’t maaari, ay hindi na ipasa sa Korte Suprema ang desisyon tungkol sa conviction threshold.

Sa susunod na final voting, sinabi ni Simbulan na kung susundan ang naging pattern ng botohan sa nakaraang impeachment proceedings, mananatili umano ang 14 na senador sa majority na boboto para sa conviction ni Vice President Sara Duterte.

Batay sa kanyang pahayag, ang posisyong ito ay nakaugat sa mga ebidensiyang iniharap sa impeachment proceedings.AV SIMBULAN