Hiniling ni House prosecution panel legal spokesperson Atty. Benjamin Tolosa Jr. sa Senate Impeachment Court na ibasura ang show cause proceedings laban sa kaniya hinggil sa diumano’y paglabag sa sub judice rule.

Sa kaniyang 21-pahinang sagot na inihain nitong Setyembre 17, iginiit ni Tolosa na hindi lumabag sa umiiral na panuntunan ang kaniyang mga naging pahayag sa ginanap na press briefing noong Setyembre 8, 2026.

Paliwanag ng abogado, hindi nakasaad sa show cause order ang mahahalagang bahagi ng kaniyang mga sinabi na kailangan sana upang maunawaan ang tamang konteksto ng kaniyang mga pahayag.

--Ads--

Binigyang-diin pa ni Tolosa na ang kaniyang mga komento ay nakatuon lamang sa mga usaping pamamaraan, ginawa nang may mabuting hangarin, at walang anumang layunin na maimpluwensiyahan ang takbo ng paglilitis.

Idinagdag din nito na ang kaniyang mga binitawang salita ay patas at tumpak na pag-uulat lamang batay sa mga pampublikong rekord na nakatala sa mismong korte.