Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng San Carlos City Police Station kaugnay ng aksidenteng ikinasawi ni Bayambang Councilor Jan Nazer David Junio na naganap bandang alas-11:30 ng gabi sa isang tulay sa Barangay Turac.
Ayon kay PLtCol. Lawrence Keith Calub, Chief of Police ng San Carlos City Police Station, natagpuan ng mga rumespondeng awtoridad ang sasakyan ng biktima na bumangga sa konkretong barrier ng tulay. Sa paunang imbestigasyon, lumabas na ang sasakyan ay mula sa San Carlos City at patungo sa Bayambang nang mangyari ang insidente.
Sa isinagawang on-site inspection, may nakita umanong bakas na nagpapakitang umakyat ang sasakyan sa gilid ng kalsada bago sumadsad ang ilalim nito at tuluyang bumangga sa concrete barrier.
Batay sa paunang pagsusuri ng pulisya, isa sa mga tinitingnang posibleng dahilan ng aksidente ang pagkapagod o pagkaantok ng konsehal habang nagmamaneho.
Gayunman, nilinaw ng PNP na nagpapatuloy pa ang kanilang imbestigasyon, kabilang ang backtracking at pagre-review ng mga posibleng CCTV footage sa lugar upang matukoy ang eksaktong sanhi ng insidente.
Agad na rumesponde ang mga pulis at City Disaster Risk Reduction and Management Office upang mailigtas ang biktima at isinugod ito sa mga pinakamalapit na ospital bago dinala sa Region 1 Medical Center, kung saan idineklara itong dead on arrival.
Wala namang ibang tao o sasakyang nadamay sa aksidente.
Nanawagan naman ang PNP sa publiko na igalang ang pamilya ng yumao sa pamamagitan ng pag-iwas sa pagpapakalat ng mga larawan mula sa pinangyarihan ng insidente.
Muli rin nitong pinaalalahanan ang mga motorista na tiyaking nasa maayos na kondisyon ang kanilang sarili bago bumiyahe dahil ang pagmamaneho habang pagod o inaantok ay maaaring humantong sa malubhang aksidente.










