Posibleng lumakas pa at maging super typhoon ang tropical storm na nasa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) sa susunod na linggo.
Ayon sa weather specialist na si Leanne Loreto, inaasahang papasok ang sama ng panahon sa PAR sa Miyerkules o Huwebes at papangalanang Inday.
Bagama’t may posibilidad itong lumakas bilang bagyo o super typhoon, sinabi ng weather bureau na nananatili pang hindi tiyak ang magiging lakas at tatahakin nitong direksiyon.
Inaasahan ding palalakasin nito ang habagat, na magdudulot ng pag-ulan sa kanlurang bahagi ng Luzon, Visayas at Mindanao.
Samantala, tuluyan nang lumabas ng PAR ang Tropical Depression Henry, ngunit sinabi ng weather bureau na ang pinagsamang epekto ng panlabas nitong sirkulasyon at habagat ay patuloy na magdadala ng malalakas na bugso ng hangin at pag-ulan sa ilang bahagi ng bansa.
Habang ang Metro Manila at nalalabing bahagi ng Pilipinas ay maaari ring makaranas ng mga pag-ulan at pagkulog-pagkidlat.










