Nasawi ang isang siyam na taong gulang na batang lalaki matapos mahulog sa umiikot na rotor blade ng isang farm tractor habang ito ay ginagamit sa isang palayan sa bayan ng Tayug.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Police Lieutenant Clarence A. Cabucos, Deputy Chief of Police ng Tayug Municipal Police Station, sinabi nitong naganap ang insidente nitong Hunyo 28, 2026.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, sinabi umano ng driver ng tractor na ilang beses niyang binalaan ang bata na lumayo sa makinarya upang maiwasan ang anumang aksidente.
Gayunman, habang nagpapatuloy siya sa pag-aararo, hindi niya napansin na umakyat ang bata sa bahagi ng tractor na malapit sa rotor.
Ayon kay Cabucos, nadulas ang biktima at tumama sa umiikot na rotor blade ng makina.
Nagtamo umano ang biktima ng matinding sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan, kabilang ang mga vital organs, na naging sanhi ng kanyang agarang pagkamatay.
Samantala, sinabi ng opisyal na nagkaroon ng kasunduan ang pamilya ng biktima at ang driver ng tractor hinggil sa insidente.
Matapos ang kaukulang proseso, pinalaya na ang driver mula sa kustodiya ng Tayug Municipal Police Station.
Sa karagdagang imbestigasyon, lumabas na may ilang batang naglalaro sa paligid ng sakahan nang mangyari ang insidente. Ayon kay Cabucos, umalis ang iba pang mga bata ngunit ang biktima lamang ang umakyat sa tractor bago nadulas at nahulog sa umiikot na rotor blade.
Ayon pa sa Tayug Municipal Police Station, ito ang unang naitalang insidente sa kanilang nasasakupan na may kaugnayan sa aksidente sa makinaryang pang-agrikultura.
Dahil dito, muling nanawagan ang pulisya sa mga operator ng mga makinaryang pangsakahan at sa mga magulang na paigtingin ang pagbabantay sa mga bata upang maiwasan ang kahalintulad na trahedya.










