Arestado ang isang hinihinalang tulak ng iligal na droga sa isinagawang buy-bust operation ng mga awtoridad sa Barangay Pantal dito sa lungsod ng Dagupan.
Pinangunahan ang operasyon ng Dagupan City Police Office sa ilalim ng pamumuno ni City Director PCOL Arnold P. Solomon, katuwang ang Police Station 1, at iba pang unit ng kapulisan sa pakikipag-ugnayan sa Philippine Drug Enforcement Agency Regional Office 1.
Nahuli sa operasyon ang isang lalaking residente ng Barangay IV sa nasabing lungsod.
Nakumpiska mula sa suspek ang isang heat-sealed plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na tumitimbang ng humigit-kumulang 1.5 gramo at may tinatayang Standard Drug Price na P10,200.
Narekober din ang marked money at boodle money na ginamit sa isinagawang transaksyon.
Dinala sa himpilan ng pulisya ang suspek at ang mga nakumpiskang ebidensya para sa kaukulang dokumentasyon.
Kasalukuyan na rin itong nakapiit sa custodial facility ng Dagupan City Police Office habang inihahanda ang kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Samantala, ang naging operasyon ay bahagi ng pinaigting na kampanya ng pulisya laban sa iligal na droga at tiniyak na magpapatuloy ang kanilang mga hakbang upang mapanatiling ligtas ang komunidad ng Dagupan City.










