Hindi dapat gamitin ang impluwensiya ng anumang simbahan upang hadlangan ang proseso ng pananagutan sa ilalim ng batas.

Ito ang binigyang diin ni Prof. Roland Simbulan, Chairperson ng Center for People Empowerment in Governance (CENPEG) kasunod ng isinagawang pagkilos ng mga kasapi ng Iglesia Ni Cristo Iglesia ni Cristo matapos ang mga ulat hinggil sa posibleng pag-aresto kay Senator Rodante Marcoleta kaugnay ng kinakaharap nitong kaso.

Ayon kay Simbulan, may kasaysayan aniya ang ilang relihiyosong organisasyon ng pakikilahok sa mga usaping pampulitika. Gayunman, ay nararapat umanong isulong ang accountability, rule of law, at hustisya sa halip na makialam sa mga kasong may kaugnayan sa pananagutan ng mga opisyal ng pamahalaan.

--Ads--

Ayon pa sa propesor, mahalagang mapanatili ang malinaw na paghihiwalay ng pananampalataya at mga legal na proseso dahil ang relihiyon ay nakabatay sa pananampalataya ng mga miyembro nito, samantalang ang mga usaping legal ay dapat resolbahin sa pamamagitan ng ebidensiya at batas.

Sa usapin ng kinakaharap na kaso ni Sen. Marcoleta, sinabi ni Simbulan na dapat hayaan ang mga institusyon ng pamahalaan na gawin ang kanilang tungkulin.

Aniya, kung walang kasalanan ang isang akusado, may sapat na mekanismo sa ilalim ng batas upang mapatunayan ang kanyang pagiging inosente. Subalit kung pipigilan umano ang pagpapatupad ng batas sa pamamagitan ng pressure mula sa mga organisasyon o grupo, maaapektuhan ang prinsipyo ng accountability.