Kinilala ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang Pamahalaang Bayan ng Binmaley sa pagkakamit ng Good Financial Housekeeping (GFH) Recognition para sa taong 2025 bilang patunay ng maayos, transparent, at responsableng pamamahala ng pondo ng bayan.

Ayon kay Mayor Pedro “Pete” Merrera III, ang pagkilalang ito ay bunga ng patuloy na pagsisikap ng lokal na pamahalaan na tiyakin na ang pondo ng bayan ay napupunta sa mga programang, proyekto, at serbisyong direktang nakikinabang ang mga residente.

Aniya, bukas ang kanilang administrasyon sa publiko pagdating sa mga usapin ng pananalapi at paggamit ng pondo ng munisipyo.

--Ads--

Binigyang-diin din ng alkalde ang kahalagahan ng transparency at pananagutan sa pamahalaan.

Aniya, may karapatan ang mga mamamayan na malaman kung saan napupunta ang kanilang binabayarang buwis at kung paano ito ginagamit para sa pagpapaunlad ng bayan.

Kaugnay nito, hinikayat ni Merrera ang mga barangay at mamamayan na makibahagi sa pagsusulong ng maayos na pamamahala sa pamamagitan ng pagiging mapagmatyag at responsable sa kanilang mga obligasyon bilang taxpayers.

Ipinaalala rin niya na ang mga pondong natatanggap ng mga barangay ay nagmumula rin sa buwis na ibinabayad ng mamamayan.

Samantala, nanawagan din ang alkalde sa mga developer, contractor, at may-ari ng mga proyektong pangkaunlaran na tiyaking kumpleto ang kanilang mga permit at dokumento bago simulan ang anumang proyekto sa mga barangay.

Aniya, mahalagang masunod ang lahat ng umiiral na batas at regulasyon upang mapanatili ang kaayusan at tamang paggamit ng mga yaman ng bayan.

Iginiit pa ni Merrera na bawat paggastos ng pamahalaan ay dumaraan sa masusing pag-aaral at pagpaplano upang matiyak na epektibo at kapaki-pakinabang ito para sa mga Binmaleyense.

Dagdag pa niya, layunin ng kanyang administrasyon na mapanatili ang maayos na pamamahala at matiyak na ang bawat sentimo ng pondo ng bayan ay nagagamit nang tama para sa patuloy na pag-unlad ng Binmaley.