Dagupan City – Binigyang-diin ng DENR Environmental Management Bureau (EMB) Region 1 ang mahigpit na ipinagbabawal sa bansa ang pagsusunog ng basura alinsunod sa Ecological Solid Waste Management Act at Philippine Clean Air Act.

Sa isinagawang Kapihan sa Ilocos, sinabi ni Regional Director Engr. Nicanor Esteban na malinaw sa dalawang batas na bawal ang pagsusunog ng anumang uri ng basura, kabilang na ang mga tuyong dahon na nalalaglag sa mga bakuran.

Gayunman, aminado siyang nagkakaiba-iba ang paraan ng pagpapatupad nito sa iba’t ibang lokal na pamahalaan.

--Ads--

Ayon sa kanya, mas nakatuon ang ilang barangay sa pagsugpo sa pagsusunog ng mga plastik dahil ito ang may malaking epekto sa kalidad ng hangin.

May mga lokalidad din aniyang mahigpit sa pagpapatupad ng mga ordinansa kaugnay ng basura, habang ang iba naman ay mas maluwag depende sa kanilang mga prayoridad at estratehiya.

Ipinaliwanag ni Esteban na patuloy na hinaharap ng mga lokal na pamahalaan at ng EMB ang iba’t ibang paglabag sa mga batas pangkalikasan.

Isa sa mga pangunahing tinututukan ngayon ng ahensya ay ang wastong pamamahala ng solid waste at ang operasyon ng mga sanitary landfill.

Aniya, may mga pagkakataong nagkakaroon ng problema sa ilang landfill dahil tumatanggap ito ng basura mula sa mga lugar na hindi naman sakop ng kanilang orihinal na disenyo at kapasidad.

Dahil dito, masusing minomonitor ng EMB ang kalagayan ng mga pasilidad upang maiwasan ang mga posibleng suliraning pangkapaligiran.

Kaugnay nito, sinabi ni Esteban na nagsasagawa na ang EMB Region 1 ng inspeksyon sa mga sanitary landfill sa rehiyon.

Inumpisahan aniya ito sa malalaking pasilidad sa Urdaneta, Vigan at Laoag bago tuluyang suriin ang iba pang mas maliliit na landfill.

Dagdag pa niya, bahagi ito ng direktiba ng pambansang tanggapan ng EMB na tiyaking nasusunod ng lahat ng sanitary landfill sa bansa ang wastong pamantayan sa pamamahala ng basura at pangangalaga sa kapaligiran.