Dalawang hinihinalang malakihang sangkot sa bentahan ng ilegal na droga ang naaresto sa isinagawang buy-bust operation ng Philippine National Police Drug Enforcement Group (PNP-DEG) Pangasinan katuwang ang iba pang law enforcement agencies sa bayan ng Malasiqui nitong Hunyo 14.

Ayon kay PLT Marilyn Garrino, Chief, Admin at Police Community Relations (PCR) ng PNP-DEG Pangasinan, matagumpay na naisagawa ang operasyon matapos ang serye ng surveillance, casing operations, at intelligence gathering laban sa mga suspek.

Batay sa ulat ng PNP-DEG, tinatayang aabot sa P400,000 halaga ng hinihinalang shabu ang nakumpiska sa operasyon.

--Ads--

Sinabi ni Garrino na maituturing na malakihang drug personalities ang dalawang suspek dahil sa dami ng ipinagbabawal na gamot na kanilang ipinapakalat sa isang transaksyon.

Lumalabas din sa imbestigasyon na ang isa sa mga naarestong suspek ay dati nang nahuli at nakulong dahil sa kasong may kaugnayan sa ilegal na droga.

Sa isinagawang panayam sa mga suspek, napag-alamang umano’y nagmumula sa National Capital Region (NCR) ang kanilang pinagkukunan ng suplay ng droga. Ibinabagsak naman umano nila ang mga ito sa iba’t ibang lugar sa Pangasinan kabilang ang San Carlos City, Dagupan City, Urdaneta City at Malasiqui.

Kasama sa mga nakumpiskang ebidensya ang tricycle na pinaniniwalaang ginamit sa kanilang operasyon.

Sa kasalukuyan, nasa tanggapan na ng piskalya ang mga dokumento kaugnay ng kaso at hinihintay na lamang ang resolusyon para sa pormal na pagsasampa ng kaukulang mga kaso laban sa mga suspek.

Samantala, kasabay ng pinaigting na kampanya kontra ilegal na droga, patuloy ring nagsasagawa ng information dissemination at anti-drug awareness lectures ang PNP-DEG sa iba’t ibang paaralan sa Region 1.

Ayon kay Garrino, nakikipag-ugnayan sila sa mga pampubliko at pribadong paaralan sa Pangasinan, La Union, Ilocos Sur at Ilocos Norte upang mapalawak ang kaalaman ng mga kabataan hinggil sa masamang epekto ng ilegal na droga.

Patuloy naman ang panawagan ng mga awtoridad sa publiko na maging mapagmatyag at aktibong katuwang sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa komunidad sa pamamagitan ng pagsugpo sa ilegal na droga.