Dagupan City – Hindi lamang pagpapataas ng produksyon ng isda ang pangunahing layunin ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) kundi maging ang pagpapataas ng halaga at kita ng mga mangingisda sa pamamagitan ng mas pinalawak na value chain approach.
Ayon kay BFAR Regional Director Remely Lachica, saklaw ng programa ang buong proseso mula sa pagbibigay ng mga kinakailangang input tulad ng fish seeds, kagamitan at iba pang suporta hanggang sa aktuwal na produksyon gamit ang mga makabagong teknolohiyang nakabatay sa siyensya.
Kasama rin sa pokus ng BFAR ang pagproseso ng mga produktong pangisdaan upang magkaroon ng dagdag na halaga ang mga ito. Kabilang dito ang paggawa ng mga produktong gaya ng longganisa, sausage, deboned bangus at iba pang processed fish products na maaaring magbigay ng mas mataas na kita sa mga mangingisda at samahan ng mga mangingisda.
Bukod sa produksyon at pagproseso, pinagtutuunan din ng ahensya ang pagpapalawak ng market access upang magkaroon ng mas maraming oportunidad ang mga mangingisda na maibenta ang kanilang mga produkto sa mas magandang presyo.
Isa sa mga hakbang na ginagawa ng BFAR ay ang pagtulong sa paghahanap ng mga pamilihang maaaring pagdalhan ng kanilang mga ani. Sa pamamagitan nito, mas nauunawaan ng mga producer ang pangangailangan ng merkado, kabilang ang tamang sukat, dami at kalidad ng produktong hinahanap ng mga mamimili.
Bilang halimbawa, binanggit ni Lachica ang Rosales Trading Center kung saan hindi lamang gulay kundi maging mga produktong pangisdaan ang maaari nang maibenta. Inaasahang makatutulong ito upang mas mapadali ang pagbebenta ng mga produkto ng mga mangingisda at mapalawak ang suplay ng sariwang isda para sa mga mamimili sa lugar.
Patuloy namang isinusulong ng BFAR ang mga programang magpapalakas sa sektor ng pangisdaan upang mapataas ang kita ng mga mangingisda at mapabuti ang kanilang kabuhayan.










