Matagumpay na isinagawa ng Department of Labor and Employment (DOLE) Central Pangasinan ang programang “Trabaho Agad Job Fair” sa Nepo Mall bilang pagdiriwang sa ika-128 taong Anibersaryo ng Araw ng Kalayaan.

Inihandog dito ang mahigit 7,000 bakanteng posisyon mula sa 20 kalahok na kumpanya, kabilang ang limang ahensyang naghahanap ng manggagawa para sa ibang bansa.

Ayon kay Rhodora Dingle, Head ng DOLE Central Pangasinan, dumagsa ang mga naghahanap ng trabaho mula pa kaninang umaga at nanatiling puno ang lugar hanggang sa matapos dahil nagsimula sila mula alas otso hanggang alas 4 ng hapon.

--Ads--

Sa kasalukuyan, nasa mahigit 500 ang nakapagrehistro at humigit-kumulang 15 hanggang 20 na aplikante ang agad na natanggap sa trabaho o hired on the spot na inaasahang aabot sa 20 porsyento ng kabuuang bilang ng mga rehistrado.

Binanggit ni Dingle na mahigit 3,000 posisyon ang mula sa overseas habang mahigit 4,000 naman ang mula sa mga lokal na kompanya.

Kabilang sa mga hinahanap na manggagawa ay mga skilled sa konstruksyon, empleyado sa mga establisyimento ng pagkain, at mga kawani para sa mga tanggapan.

Saad niya na kahit pa mataas ang employment rate ng Central Pangasinan ay patuloy parin ang kanilang pagsasagawa ng ganitong gawain buwan-buwan kasama ang mga lokal na pamahalaan at mga paaralan upang mabigyan ng pagkakataon ang mga mamamayan na makahanap ng maayos na kabuhayan.

Nanawagan naman ito sa mga nais pa ring mag-aplay na hindi nakahabol na maaari silang lumapit sa kanilang opisina sa Tapuac District o sa Public Employment Service Office para sa karagdagang impormasyon at oportunidad sa trabaho.

Samantala, nagbigay ng karagdagang tulong ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa pamamagitan ng kanilang Sustainable Livelihood Program.

Ayon kay Nelson S. Catalan, Project Development Officer II, ang mga aplikanteng agad natanggap ay makatatanggap ng tulong pinansyal na nagkakahalaga ng hanggang ₱7,000.

Ang halagang ito ay maaaring gamitin pambayad sa mga kinakailangang dokumento tulad ng NBI at police clearance, mga gamit at uniporme sa trabaho, at pampamasahe hanggang matanggap ang unang sahod.

Tiniyak ni Catalan na ang tulong ay ibibigay lamang sa mga makapagpapatunay na may kontrata o sertipiko ng pagtanggap mula sa kanilang pinapasukan upang masiguro na magagamit ito nang wasto.

Sa kasalukuyan, nasa humigit kumulang 15 na aplikante na ang kwalipikado para sa tulong na ito.

Layunin ng tulong pinansyal na mapagaan ang gastusin ng mga aplikante para sa kanilang paninimula sa trabaho upang maipagpatuloy ang kanilang paghahanapbuhay para sa kanilang pamilya.