Kinumpirma ng Philippine National Police (PNP) na narekoner na nila ang closed-circuit television (CCTV) footage mula sa beach resort sa Dipaculao, Aurora kung saan nalunod ang dalawang manlalaro ng Ateneo de Manila University na sina Rene Clert Baterbonia at Divine Adili.
Ayon kay PNP Chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., nagpapatuloy ang imbestigasyon gamit ang forensic at evidence-based procedures upang mabuo ang eksaktong pangyayari.
Nakikipag-ugnayan din ang pulisya sa iba pang ahensya at mga sangkot sa insidente.
Batay sa paunang ulat, nagsasagawa ng team-building activity ang mga estudyanteng atleta ng Ateneo noong Lunes nang tangayin sina Baterbonia at Adili ng malakas na agos. Natagpuan sila malapit sa baybayin makalipas ang 30 hanggang 40 minuto.
Nanawagan naman si Nartatez sa publiko na iwasan ang pagpapakalat ng mga haka-haka at hindi beripikadong impormasyon sa social media at igalang ang mga naulilang pamilya habang nagpapatuloy ang paggulong ng imbestigasyon.
Tiniyak din niyang walang cover-up na mangyayari sa kaso.
Kung babalikan, si Baterbonia, 19-anyos, ay itinanghal na Most Valuable Player (MVP) ng 2025 Palarong Pambansa secondary boys basketball tournament, habang si Adili, 21-anyos na Nigerian student-athlete, ay naglaro sa UAAP Season 88 men’s basketball tournament noong nakaraang taon.










