Ibinasura ng Kataas-taasang Hukuman ang petisyon ng isang guro na humihiling na kilalaning “valid” ang quorum ng 12 senador sa gitna ng usapin sa pagbabago ng liderato ng Senado.
Sa En Banc Session ng Korte Suprema ngayong araw, inaksyunan ang petisyon ni John Barry Tayam na inihain kamakailan.
Ipinaliwanag ng hukuman na ang pagbabasura ay bunsod ng kawalan ng legal standing ng petisyuner sa naturang isyu.
Ayon sa Korte Suprema, nabigong mapatunayan ni Tayam na siya ay direktang naapektuhan o nagdulot ng pangamba sa kanya ang idinulog na usapin.
Sa kanyang inihaing Petition for Certiorari, hiniling ng guro na maresolba ang kontrobersya sa Senado kaugnay ng botohan at ideklarang sapat ang bilang na 12 senador para sa quorum na kinakailangan upang maisagawa ang sesyon noong Hunyo 3.
Naniniwala si Tayam na mahalagang mabigyan ito ng linaw upang magpatuloy ang Senado sa pagtupad ng mandato nito sa paggawa ng batas.
Gayunpaman, dahil sa kawalan ng legal standing ng guro sa naturang usapin, nabasura ang kanyang petisyon.
Ipinahayag naman ni Tayam na kanyang pag-aaralan ang susunod na hakbang na maaari pang gawin alinsunod sa desisyon ng hukuman.










